Home OPINION MADILIM NA KATOTOHANAN SA LIKOD NG MGA NAWAWALANG SABUNGERO

MADILIM NA KATOTOHANAN SA LIKOD NG MGA NAWAWALANG SABUNGERO

311
0

ANG patuloy na imbestigasyon hinggil sa mga nawawalang sabungero ay unti-unting naglalantad ng mas malalim at mas nakakabahalang katotohanan.

Walang tigil sa pagbubunyag si Julie ‘Dondon’ Patidongan ng mga nakakagulat na detalye – at sa simula pa lang ay itinuturo si Charlie ‘Atong’ Ang na umano’y utak hindi lamang sa pagkawala ng 34 na mga sabungero, kundi ng mahigit sa 100 katao sa kabuuan.

Ang una’y inakalang isang hiwalay na kaso pero lumalabas ngayong bahagi ng isang mas malawak at masalimuot na operasyon— isang organisadong criminal network na may kaugnayan sa pamahalaan at maging sa ilang miyembro ng kapulisan.

Sa pamamagitan ng mga pahayag ni Patidongan, nabunyag ang nakapanlulumong katotohanan kung paanong ang kapangyarihan, salapi at karahasan ay nagsanib upang mapangalagaan ang interes ng mga makapangyarihang kriminal gaya ni Ang.

Ang isa sa nakaaalarmang bahagi ng kaniyang salaysay ay ang umano’y direktang pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa mga pagpatay.

Kung mapapatunayan ang mga alegasyong ito, malinaw nitong ilalantad ang lalim ng katiwalian sa mga institusyong itinalagang magtaguyod ng batas at magbigay proteksyon sa mamamayan.

Kung totoo ang mga paratang ni Patidongan, hindi na ito simpleng kaso ng pagkawala ng mga indibidwal. Sinasalamin na nito kung gaano kalalim ang kabulukan sa loob ng pamahalaan at mga tagapagpatupad ng batas.

Ang isyung ito ay nagsisilbing mahalagang pagsubok para sa administrasyong Marcos at sa pamunuan ng Philippine National Police sa ilalim ni PGen. Nicolas Torre III.

Dapat ipakita ng pamahalaan ang tunay na dedikasyon nito sa katarungan, kung nais nitong mapanatili ang tiwala ng publiko.

Ang katapangan ni Patidongan sa pagbabahagi ng katotohanan ay isang mahalagang hakbang, subalit nasa kamay na ng mga awtoridad ang pananagutang patunayan na kaya nilang harapin ang katotohanan at maipagkaloob ang hustisya sa mga biktima ng pananahimik at karahasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here