Home METRO Mag-asawa, anak patay sa tambang

Mag-asawa, anak patay sa tambang

MAGUINDANAO DEL SUR- Patay ang mag-asawa at kanilang anak matapos silang tambangan at paulanan ng bala ng baril ng teroristang grupong Bangsamoto Islamic Freedom Fighters (BIFF) noong Linggo ng umaga sa bayan ng Shariff Aguak.

Kinilala ang mga biktima sa pangalan na si Kar, misis nitong si Mhoni, at kanilang anak na si Tapuri, pawang residente ng Barangay Dapiawan Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao Del Sur.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Reggie Albillera, hepe ng Shariff Aguak Municipal Police Station, bandang alas-8:15 ng umaga nang maganap ang krimen sa Barangay Satan, ng nasabing bayan.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay ng motorsiklo ang mag-anak at pagsapit sa nabanggit na lugar ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala mula sa matataas na kalibre na armas.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Nabatid na grupo umano ni Kumander Kagi ng Matatag BIFF ang umatake sa mga biktima dahil sa matagal na alitan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa nasabing krimen para malaman ang tunay na motibo at ikadarakip sa mga suspek. Mary Anne Sapico