Home NATIONWIDE ‘Borrowings’ ng PH gov’t umakyat sa P420B noong Pebrero

‘Borrowings’ ng PH gov’t umakyat sa P420B noong Pebrero

MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of the Treasury na tumaas ang borrowings ng pamahalaan nito lamang Pebrero ng taong kasalukuyan, pangunahin na sa domestic market.

Sa ikalawang buwan ng 2024, ang gross borrowings ng gobyerno ay may kabuuang P419.97 billion, mas mataas ng 22% kumpara sa P343.48 billion sa kaparehong buwan sa nakalipas na taon.

“The surge in borrowing was largely driven by local financing, which jumped by 27 percent to P415.23 billion from P327.5 billion a year earlier,” ayon sa Treasury.

Karamihan sa local borrowings ay nakuha sa pamamagitan ng pagpapalabas ng retail treasury bonds, nakaipon ng P341.41 billion na pondo sa panahon ng naturang buwan.

Idagdag pa rito, nakapagbenta naman ang gobyerno ng P60 billion na long-term IOUs at P13.82 billion sa short-term debt instruments sa panahon ng nabanggit na buwan.

Sa kabilang dako, ang foreign borrowings ay nabawasan ng 70% mula P15.98 billion noong Pebrero 2023 na naging P4.74 billion.

Ang overseas financing ay binubuo lamang ng project loans, kung saan ang borrowings ay nagmula sa ‘development partners’ ng Pilipinas.

Sa unang dalawang buwan ng taon, ang gross borrowings ng national government ay umabot sa P623.13 billion, nabawasan ng 12% kumpara sa P710.48 billion sa nakalipas na taon.

Ayon sa Treasury report, ang pagbabawas ay bunsod ng paghina sa foreign borrowings, umabot sa halagang P66.39 billion lamang kumpara sa P203.54 billion.

Gayunman, ang local borrowing sa pagtatapos ng Pebrero ay tumaas ng 10% sa P556.74 billion mula sa P506.94 billion.

“To bridge the budget deficit, which is limited to P1.48 trillion or 5.6 percent of the gross domestic product, the Marcos administration is borrowing from both domestic and foreign creditors,” ayon sa ulat.

Nananatili ang kabuuang borrowing requirement para sa Pilipinas sa P2.46 trillion. Kris Jose