MANILA, Philippines – Dalawa ang kumpirmadong patay sa sunog sa isang residential area sa Tondo, Manila sa kasagsagan ng Kapistahan ng Sto. Nino nitong Linggo ng hapon, Enero 19.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection – NCR, nangyari ang sunog sa tatlong palapag na residential area sa 1027- E Bo. Menu Dagupan, Tondo.
Sa imbestigasyon, pag-aari ang bahay ng pamilya nina Felicidad at Joseph Pua na sugatan sa insidente.
Nagsimula umano ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay kaya posibleng na-trap ang mga biktima at hindi na nagawa pang makalabas.
Ayon pa sa BFP, isang lalaki at isang babae ang mga nasawi na hindi pa pinapangalanan.
Nasa 10 pamilya naman ang naapektuhan sa sunog na iniakyat lamang sa unang alarma.
Habang aabot sa humigit-kumulang 50,000 ang halaga ng pinsala sa sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden