Home METRO Mag-utol na most wanted kapwa arestado sa P’que

Mag-utol na most wanted kapwa arestado sa P’que

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang wanted na magkapatid na tinaguriang Top 2 at Top 4 most wanted persons (MWP) ng Parañaque City police Miyerkules ng gabi, Pebrero 19.

Kinilala ng Parañaque City police ang nadakip na magkapatid na sina alyas Christian, 32, at alyas Vincent, 28, kapwa construction worker.

Si alyas Christian ay nahaharap sa mga kasong Statutory Rape, Rape at tatlong counts sa paglabag ng Section 5(B) of Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act habang si alyas Vincent naman ay inakusahan ng tatlong counts ng Rape na nakapailalim sa Republic Act 11648 at paglabag sa Section 5(B) ng RA 7610.

Base sa report na natanggap ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin Montante, naganap ang pag-aresto sa magkapatid sa pagitan ng 6:30-7:30 ng gabi sa ikinasang law enforcement operation sa Barangay San Martin De Porres, Parañaque City.

Ang pag-aresto ng mga suspects ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Pebrero 6, 2025 ni Parañaque City Family Court (FC) Presiding Judge Moises D. De Castro ng Branch 10 dahil sa patong-patong na kasong sekswal at paglabag sa pagprotekta ng mga bata.

Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong rape ng mga suspects habang naglaan naman ng halagang P200,000 piyansa para sa kasong RA 7610.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ang mga suspects habang naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte para sa paglipat ng kanilang pagkukulungan sa Parañaque City jail. (James I. Catapusan)