MANILA, Philippines- Arestado ang magkapatid na teenager na nakuhanan umano ng shabu at ilegal na baril sa Taguig nitong Hulyo 17.
Nadakip sila sa kanilang tirahan sa Bagong Silang Street sa Barangay Tuktukan matapos isilbi ang search warrant ng mga operatiba mula sa Intelligence Section ng Taguig Police.
Base sa mga pulis, ang mga naarestong suspek ay sina alyas John, 18, at alyas Daryl, 19.
Inisyu ni Vice Executive Judge Bernard Pineda Bernal ng Taguig Regional Trial Court Branch 70 ang search warrant.
Sa operasyon, nakumpiska ng mga pulis ang 22 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P149,600 at isang .38-caliber revolver na may anim na pirasong live ammunition.
Kasalukuyang nahaharap ang mga suspek sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 9165 (illegal possession of dangerous drugs) at Republic Act 10591 (illegal possession of a firearm and ammunition). RNT/SA