ILOILO CITY- Hindi inakala ng magkapatid na ang paghahanap sa kanilang nawawalang manok ang magiging sanhi ng kanilang kamatayan makaraan masagi ang live-wire, Huwebes sa Passi City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Melco Cruz, 47, at kapatid nitong si Very Cruz, 45, kapwa residente ng Barangay Sablogon, Passi City.
Ayon kay Police Staff Sergeant Roderick Larida, imbestigador ng Passi City Police Office, hinanap ng magkapatid na Cruz ang nawawala nilang manok subalit aksidenteng nahawakan ng matandang Cruz ang live wire ng water pump na nakasampa sa barbed wire.
Sa lakas ng boltahe ng kuryente pumasok sa katawan ni Melco, nagkikisay ito dahilan para tulungan naman ito ng kanyang kapatid na si Very at maging siya ay nakuryente na rin na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Nagpaabot naman ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Passi City sa pamilya Cruz. Mary Anne Sapico