NAIC, Cavite- Patay ang apat na katao kabilang ang driver ng L-300 van matapos sumalpok ang mga ito sa puno ng acacia makaraang makatulog ang huli, Miyerkules sa bayang ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jether, driver ng L-300 at ang tatlong babae na pasahero nitong may apelyidong Vasquez habang dinala naman sa ospital ang 11 iba pang pasahero sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital
Sa paunang report ng Naic-PNP, bandang alas-4 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Brgy. Sabang sa Naic, Cavite.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing Trece ang mga biktima at patungong Naic Town Proper. Habang binabaybay ang nasabing kalsada ay bigla na lamang sumalpok ang sasakyan na minamaneho ni Jether sa puno ng acacia.
Sa lakas ng pagkakabangga ay halos nayupi ang harapang bahagi ng sasakyan habang dinala naman sa nasabing ospital ang 15 sakay subalit nalagutan na rin ng hininga ang apat.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. Mary Anne Sapico