MANILA, Philippines – Nagsalita na ang mga filipino matapos tumaas ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa survey ng Social Weather Station nito lamang nakaraang buwan ng Hunyo habang halos hindi naman nagbago ang rating ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sa kabila ng sobrang panggigiba sa Pangulo ng mga obstructionist na ito na walang magawa kung ‘di manira ng manira at hindi makita ang magagandang trabaho ng Pangulo, naniniwala si Castro na ang mga taong mga respondents na naging parte ng survey ay nakita kung ano ang ginagawa ng Pangulo at ng administrasyon.
“Pero, tulad po ng sinabi natin, masaya naman na nakikita na po ng taumbayan ang ginagawa ng administrasyon. Pero, muli uulitin po natin, ang numero po ay hindi po magiging factor para sa Pangulo na magpa-kampante dahil kahit ano pa pong numero ang lumabas sa survey, tuloy, tuloy lang po ang ating Pangulo at ang administrasyon na ito na magsilbi at magtrabaho,” aniya pa rin.
Samantala, magtrabaho ng magtrabaho kaysa magbakasyon ang gagawin ng gobyerno para makadikit 61% na trust rating ni VP Sara nitong Hunyo.
“Wala po kaming gagawin kung ‘di magtrabaho. Magtatrabaho po kami ng magtatrabaho at hindi po kami magbabakasyon hanggat sa kakayanin, trabaho lang ng trabaho,” ang sinabi ni Castro.
Sa ulat, tumaas ang trust rating ni Pangulong Marcos sa survey ng SWS nito lamang nakaraang buwan ng Hunyo habang halos hindi naman nagbago ang rating ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Stratbase Group nitong Lunes, umangat ng 10 percentage points ang trust rating ni Pangulong Marcos ng 48% nitong Hunyo mula sa 38% noong Mayo.
Habang halos hindi naman nagbago ang rating ni VP Sara na nasa 61% ng Hunyo kumpara sa 60% noong Mayo.
Sinabi ng Stratbase, ginawa ng SWS ang survey noong June 25 hanggang 29, 2025, sa 1,200 Filipino adults sa buong bansa. Mayroon ±3% margin of error ang nasabing survey.
Samantala, nakakuha naman si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng 55% trust rating nitong Hunyo, na mas mataas ng 8 percentage points kumpara noong Mayo.
Tumaas din ng 8-point ang rating ni House Speaker Martin Romualdez na may 34% nitong Hunyo. /Kris Jose