Home METRO Magat dam, nasa critical level na!

Magat dam, nasa critical level na!

1
0

ISABELA, Philippines – Nasa critical level na ang water elevation ng magat dam dahil sa patuloy na nararansan el nino o dry spell na pansamantala isinara at pinahinto ang pagpapakawala ng tubig patungo sa mga sakahan.

Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager A ng NIA-MARIIS, actually inabot na ang critical level last thursday at elevation 159.90, kaya pansamantala isinara at ipinahinto ang pagpapakawala ng tubig patungo sa mga irrigation.

Sa isinagawang monitoring ng nasabing ahensya nitong sabado at linggo ay tumaas ng bahagya ang level kung kayat nakapagpadaloy ng kaunti sa Baligatan diversion canal.

Ngayon Hulyo 13, 2026 (10: am) ay umabot lamang sa 160.62 ang water elevation na posibleng baba uli kung hindi mag-uulan hanggang sa Hulyo 20 ng taong kasalukuyan.

Kung magpapatuloy ang kakulangan ng ulan ay maaari na nilang isara ang irigasyon dahil maaabot na ang minimum operating level ng dam. Kapag nangyari ito, tanging mga sakahang may sariling shallow tube well o solar irrigation system na lamang ang posibleng makapagpatuloy sa pagtatanim.

Sinabi ni Engr. Dimoloy, bagama’t bahagyang tumaas ang water elevation ng Magat Dam matapos pansamantalang isara ang Maris Main Canal, nananatiling mababa ang suplay ng tubig dahil halos walang makabuluhang pag-ulan sa watershed area.

Aniya, sa kasalukuyan ay binibigyan muna nila ng limitadong suplay ng tubig ang Baligatan Diversion Dam upang mapatubigan ang ilang bahagi ng Santiago City, Cordon, Echague at Quirino.

Kaugnay nito, nagbigay ang nasabing ahensya ng fuel subsidy sa ilang apektadong magsasaka na gumagamit ng shallow tube wells, habang nakikipag-ugnayan din sila sa Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya upang hikayatin ang pagtatanim ng alternatibong pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig.

Samantala, labis na nagpasalamat si Engr. Dimoloy sa kooperasyon ng mga Irrigators’ Association (IA’s) o magsasaka na nauunawaan ang kasalukuyang sitwasyon kaya naiiwasan ang alitan sa distribusyon ng tubig.

Umaasang malalampasan ang krisis sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon ng kanilang ahensya, mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno habang hinihintay ang pagdating ng sapat na pag-ulan upang muling makapagtanim ng palay. (REY VELASCO)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here