Home OPINION MAGHANDA SA MAGNITUDE 8 LINDOL, 10M TSUNAMI

MAGHANDA SA MAGNITUDE 8 LINDOL, 10M TSUNAMI

KAILAN kaya gagalaw ang Manila Trench at Philippine Trench?

Manila Trench ang tawag sa malaking bitak ng lupa mula Taiwan hanggang Mindoro sa West Philippine Sea at may lalim na 5.4 kilometro.

Ang Philippine Trench naman, nagmumula sa tapat ng Quezon Province hanggang sa lagpas ng Davao Oriental at may lalim na 10.5 kilometro ang bitak at nasa parteng dagat Pasipiko.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, may lakas o magnitude na 8.3 ang Manila Trench at magnitude 8.1 naman ang Philippine Trench.

Parehong lilikha ang dalawang bitak ng lupang ito ng nasa 10 metrong taas ng tsunami o alon mula sa dagat.

Higit na mas mataas ang tsunami ng dalawang bitak ng lupang ito, kung gagalaw o magkalindol, sa 7 metrong pinakamataas na storm surge o tsunami ng nilikha ng bagyong Yolanda.

Kaya naman, imadyinin na lang ang ibubunga ng 10 metro, hindi 7 metro, na alon mula sa dagat na lulusob sa mga dalampasigan at kalupaan ng western Luzon at eastern Luzon.

Bubong ng ikatlong palapag na gusali ang 10 metro, mga brad.

Paano kung lilikha ng intensity 8 ang magnitude 8 lindol?

Heto ang magaganap sa intensity 8 o galaw ng ibabaw ng lupa na likha ng magnitude 8 lindol.

Magpapanik ang mga tao at hindi makatayo, may magigibang matitibay na gusali, magigiba ang mga kongkretong dike at pundasyon ng mga tulay, magkahiwa-hiwalay ang mga riles ng tren at magkakaroon ng mga landslide.

Gaano kaya karami ang mamamatay na tao na pinakamahalaga sa lahat ng usapin sa harap ng napakalakas na lindol na mas malakas pa sa magnitude 7.7 na killer-quake sa Baguio City-Cabanatuan City noong Hulyo 1990?

Maghanda-handa na lang tayo sa 10 metrong tsunami at Intensity 8 na lindol.