GUIMARAS, Philippines – Dalawang magkapatid ang namatay matapos mahulog sa malalim na balon nitong Miyerkules ng hapon, Hulyo 23, sa Sitio Serum, Barangay San Nicolas, Buenavista, Guimaras.
Ang mga biktima na kinilala lamang sa kanilang mga alyas na Bugoy, 15, at Dagul, 26, ay binawian ng buhay matapos makuha mula sa tinatayang 54 metrong lalim na balon.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon, nang hilingin umano ng may-ari ng balon ang apat na lalaki, kabilang si Bugoy, na kunin ang isang patay na palaka sa loob ng balon.
Si Bugoy ang unang bumaba pero nadulas at nahulog umano. Agad namang pumasok ang kanyang kuya na si Dagul para iligtas ngunit nahirapang huminga sa kalagitnaan.
Isang lubid ang inihagis pababa sa pagtatangkang hilahin si Dagul pataas, ngunit hindi siya tumugon at nabigong umakyat palabas.
Narekober ng mga rescuer ang bangkay ni Dagul alas-4:25 ng hapon, na sinundan ng bangkay ni Bugoy alas-4:37 ng hapon. Kapwa isinugod sa malapit na ospital ang dalawa ngunit idineklara silang dead on arrival.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa mga pangyayari sa insidente. RNT/MND