MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Mark Villar ang panukalang batas na magbibigay ng legal na proteksyon at benepisyo sa mga Public Disaster Risk Reduction and Management Workers (PDRRMWs), sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad na kinakaharap ng bansa.
Kasunod ng matitinding pagbaha at landslide na dulot ng habagat at mga nagdaang bagyo, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng mga rescuer, responder, at volunteer sa pagligtas ng mga komunidad tuwing sakuna.
“The natural disasters and tragedies that we experience are getting worse,” ani Villar.
“There are more and more places that get flooded, and families need to be rescued.”
Binigyang-pugay ng senador ang kabayanihan ng mga local rescuer mula Caloocan at Las Piñas na lumusong sa malalalim na baha upang mailigtas ang mga na-trap na residente.
Aniya, ang kanilang sakripisyo ay dapat tumbasan ng karampatang pagkilala at proteksyon.
“During times of disaster, we see how important the work of our PDRRMWs is. But if they are the ones helping us in our times of need, then who will help them?” dagdag ni Villar.
Kaugnay nito, inihain niya ang panukalang “Magna Carta for PDRRMWs” bilang isa sa kanyang mga prayoridad na panukala sa ika-20 Kongreso.
Layon ng batas na ito na tiyakin ang seguridad sa trabaho, benepisyo, insurance, sapat na kagamitan, at oportunidad para sa professional development ng disaster responders.
“It’s time to recognize the efforts of the PDRRMWs… and their sacrifices for our countrymen,” giit ni Villar.
Batay sa 2024 World Risk Index, kabilang ang Pilipinas sa mga pinaka-disaster prone na bansa sa buong mundo.
Sa harap ng mas matitinding epekto ng climate change, iginiit ni Villar na dapat palakasin hindi lang ang kagamitan kundi ang legal na proteksyon at dignidad ng mga nasa frontlines.
Suportado ng ilang local government units at disaster response organizations ang panukalang batas, na layong hindi lang protektahan ang mga manggagawa kundi palakasin din ang kabuuang kahandaan ng bansa sa mga sakuna. RNT/JGC