MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Philippine Society of General Surgeons (PSGS) sa mga magulang na ipatuli lamang ang kanilang mga anak sa mga lisensyadong doktor upang maiwasan ang mga kumplikasyon na maaaring magdulot ng kamatayan.
Ang paalalang ito ni PSGS vice president Dr. Alfred Lasala II ay kasunod ng pagkasawi ng 10-anyos na batang lalaki matapos itong magpatuli sa lying-in clinic sa Tondo, Manila.
Napag-alaman na ang taong nagtuli sa bata ay hindi pala rehistradong doktor.
“Sa doktor po kayo dapat magpapatuli. In fact, ang mga doktor po na lisensyado, kahit na po hindi siruhano, ay may kaalaman at may kapasidad kung nag-training po sila na magtuli,” sinabi ni Lasala sa panayam ng GMA News.
“Minsan po kasi may mga medical mission na ‘yung pangmaramihan tapos minsan po ang gumagawa midwife, gumagawa nurses. Of course this is against the law, this is a practice of medicine, so dapat po ‘yung mga doktor lang na merong kaalaman,” dagdag pa.
Sinabi rin nito na ang mga lalaki ay maaaring magpatuli sa ambulatory clinics o multi-specialty clinics na akreditado ng Department of Health (DOH) basta’t mayroong mga doktor na magsasagawa ng operasyon, at kumpleto ang mga kaukulang gamit.
Nagbabala din ito sa panganib na dala ng tradisyunal na pagtutuli na tinatawag na “pukpok.”
“Ang pinaka-problema nito, of course there’s pain dahil hindi sila nag-a-anesthesia. Number two, dahil hindi nagde-disinfect, puwedeng magkaroon po ng impeksyon afterwards. Number three, hindi ho tinatahi ito, so meron pong mga pagkakataon na dire-diretso ang pagdudugo,” paliwanag pa ni Lasala. RNT/JGC