MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Chief Justice Alexander Gesmundo sa mga opisyal at kawani ng Korte Suprema matapos dumalo sa kanyang huling flag ceremony bilang punong mahistrado nitong Miyerkules.
Sa kanyang pamamaalam, kinilala ni Gesmundo ang pagsisikap ng mga opisyal at empleyado sa pagpapatupad ng mga reporma sa hudikatura.
“Wala sa mga tagumpay na ating nakamit ang bunga ng pagsisikap ng iisang tao lamang. Ang lahat ng ito ay naisakatuparan dahil sa bawat isa sa inyo,” ani Gesmundo.
Hinimok din niya ang mga opisyal at kawani na ipagpatuloy ang kanilang trabaho sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng hudikatura.
“Ngunit buo ang aking tiwala na ipagpapatuloy ninyo ang ating nasimulan, at haharapin ninyo nang buong tapang, kakayahan, at malasakit ang mga hamon na darating,” pahayag niya.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga pagkukulang at pagkakataong hindi niya natugunan ang inaasahan ng mga kawani.
“Sa pagkakataong ito, ako ay humihingi ng paumanhin kung may mga pagkakataong ako ay nakasakit ng inyong damdamin, nakapagbigay ng kabiguan, o hindi nakatugon sa inyong mga inaasahan,” aniya.
Sapilitang magreretiro si Gesmundo sa Nobyembre 6, sa kanyang ika-70 kaarawan.
Nakatakdang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-28 punong mahistrado ng bansa mula sa limang kasalukuyang associate justice na kabilang sa mga kandidato sa posisyon. RNT/MDS