Home METRO Mahabang pila ng Replica ng Jesus Nazareno umabot na sa SM Manila...

Mahabang pila ng Replica ng Jesus Nazareno umabot na sa SM Manila para sa pagbabasbas

MANILA, Philippines- Umabot hanggang SM Manila ang pila ng mga replica ng Jesus Nazareno para sa taunang pagbabasbas kaugnay sa Kapistahan ng Basilica Minor o Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno.

Maaga pa lamang ay nakapila na ang ilan bitbit ang maliliit at malalaking imahe ng Poong Jesus Nazareno.

Sa bahagi ng Carlos Palanca, makikita ang hilera ng mga andas, tricycle, mga truck at mga kotse na may mga kanya-kanyang mga imahe para mabasbasan.

Sa panayam sa isang deboto na si Lezter, dala nila ang replica na si “Senior Pangarap” kung saan ang kanilang numero sa pila ay nasa 126.

Ang pila mula Palabnca ay umabot na rin sa tapat ng SM Manila kung saan matiyagang naghihintay ang mga deboto para sa pag-usad ng pila para sa pagbabasbas.

Ala-1:30 ng hapon sinimulan ang pagbasbas sa mga replica at inaasahang aabutin ito hanggang gabi.

Upang hindi maipit sa posibleng pagsikip ng daloy ng trapiko, ang ilan sa kanila ay kagabi pa nagtungo sa Quiapo at nagpalipas na ng buong magdamag sa Carriedo at Carlos Palanca Street upang paghandaan ang naturang aktibidad.

Mula pa sa ibat ibang lugar ang karamihan sa mga deboto na maagang dumating sa Quiapo kasama ang kanilang kaibigan at kaanak na kapwa deboto.

Para maging maayos naman ang proseso, umaalay sa kanila ang mga miyembro ng Hijos del Nazareno habang mahigpit na nagbabantay ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD). Jocelyn Tabangcura-Domenden