MANILA, Philippines – Miyembro na ng International Forum of Sovereign Wealth Funds (IFSWF) ang Maharlika Investment Corporation (MIC).
Sa pahayag, sinabi ng Department of Finance (DOF) na ang membership ng MIC sa naturang organisasyon ay nagbibigay sa Pilipinas ng access sa global network ng mga eksperto, at nagbibigay pagkakataon sa mga manager ng sovereign wealth fund na matuto mula sa mga kasamahan nila sa organisasyon.
Bilang miyembro ng IFSWF, ang MIC ay maaaring dumalo sa annual general meeting ng grupo sa Muscat, Oman sa Nobyembre at pag-usapan ang key global topics na makaaapekto sa mga investor.
Sinabi rin ng DOF na naisapinal na ng MIC ang investment at risk management framework nito, na nagbibigay-daan para makapagsimula na ito sa pakikipag-ugnayan sa mga investor.
Ang Maharlika Investment Corporation (MIC) ang governing body sa likod ng Maharlika Investment Fund (MIF), ang kauna-unahang sovereign wealth fund ng Pilipinas.
Target nito ang pamumuhunan sa mga sector para maabot ang multigenerational commercial, economic, at social wealth ng bansa, para sa mga sector ng infrastructure; oil, gas, at power; agroforestry industrial urbanization; mineral processing; tourism; transportation; at aerospace at aviation. RNT/JGC