MANILA, Philippines- Kahit mahigit isang taon nang naisabatas, wala pang malinaw na alituntunin ang Maharlika Investment Fund ng administrasyong Marcos hinggil sa pangangalap ng empleyado, ayon kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III.
Sa deliberasyon ng badyet ng Maharlika, ipinagtanggol ni Senate President Jinggoy Estrada ang tila “kakuparan” ng Maharlika sa paglikha ng guidelines sa pagkuha ng highly-technical personnel.
Humingi ng update si Pimentel sa administrasyon hinggil sa kinahihinatnan ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na itinayo upang mamuhunan gamit ang pera ng gobyerno at posibleng pribadong imbestor, sa ilang pangunahing infrastructure projects,
Sa ngayon, umabot lamang sa 44 posisyon ang inaprubahan ng Palasyo kabilang dito ang presidente at chief executive officer ng kompanya noong Nobyembre 7.
“As directed, this GCG and Maharlika Investment Corporation will be crafting guidelines for the hiring of guidelines for the hiring of highly technical positions. As of this date, the Maharlika Investment Corporation has not yet submitted its proposed guidelines for evaluation of GCG,” ayon kay Estrada.
Kahit hindi inamin ni Estrada ang makupad na implementasyon ng batas, sinabi ni Pimentel na masyadong mabagal ang pagkilos nito na tanging dahilan kung di pakilusin at gamitin ang MIF para sa transaksiyon sa pamuhunan upang makakuha ng mas malaking kita sa returns on investments (ROIs).
“Mabagal ang kilos ng Maharlika, no? Siguro they are really experiencing birth pains,” ayon kay Pimentel, na pawang tumututol sa paglikha ng MIC.
Isa si Pimentel sa petitioner na kumuwestiyon sa MIF sa Supreme Court kahit nilagdaan ang batas noong July 2023 na gagamitin ang state assets para sa investment ventures at makalikom ng karagdagang pondo.
Naunang hiniling ni Pimentel sa Kongreso na bawiin ang MIF upang tugunan ang “glaring errors and discrepancies.” Ernie Reyes