MANILA, Philippines- Nagbabala si Vice President Sara Duterte na posibleng mawalan ng trabaho ang 200 empleyado mula sa Office of the Vice President (OVP) sa gitna ng kapos na alokasyon para sa taong 2025.
Sinasabing P733-million na panggastos lamang para sa Office of the Vice President (OVP) ang inaprubahan ng mga senador sa loob lamang ng 10 minuto, ini-adopt ang House resolution dahilan para tapyasan ng P1.3-billion ang orihinal na P2.43-billion na budget na panukala para sa 2025.
Sinabi ni VP Sara na ang malaking budget cut ay hindi lamang makaaapekto sa mga programa at proyekto ng OVP kundi maging sa trabaho ng 200 service personnel.
“Meron kasi kaming mga OVP (Office of the Vice President) personnel na ‘yung charges nila nakita namin na natanggal ‘yung budget source nila natanggal,” ang sinabi ni VP Sara.
“So meron talagang mga OVP personnel, particularly sa satellite offices na mawawalan ng trabaho,” dagdag niya.
Sa ulat, dumalo si VP Sara sa Senate plenary deliberations ukol sa panukalang 2025 budget ng OVP, malayong-malayo mula sa kanyang ginawang pagliban sa karamihang House committee-level hearings at House plenary deliberations na nauwi sa pagtapyas sa budget ng kanyang tanggapan.
Sinabi pa niya na kailangan niyang hintayin ang final version ng General Appropriations Act (GAA) bago magdesisyon kung ano ng mga proyekto at programa ang ititigil at tuluyang isara.
“The closure of the satellite office is a possibility depending on the budget we get in GAA,” ang winika ni VP Sara.
Sa kasalukuyan, ang OVP ay mayroong 10 satellite offices sa Cebu, Tacloban, Davao, Zamboanga, Surigao, Dagupan, Cotabato City, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Isabela, at Bicol Region.
Mayroon din itong dalawang extension offices sa Lipa, Batangas at Tondo, Manila.
Gayunman, binigyang-diin ni VP Sara na gagana ang OVP anuman ang resources na ibibigay dito para sa susunod na taon.
“Kung ano man iyong maiwan, kung meron mang maiwan, tutuloy pa rin kami sa kung ano iyong ipagkasya namin na pwedeng serbisyo doon sa ibibigay na budget,” anito.
Sa ulat, tuluyan nang binawasan ng House of Representatives ng P1.3 billion ang budget ng Office of the Vice President (OVP) at inilipat ang nasabing pondo sa Department of Social Welfare at Development (DSWD) at Department of Health (DOH), ayon kay House Appropriations committee chair at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Co, ang small committee na naatasang magsagawa ng individual at institutional amendments sa 2025 General Appropriations Bill (GAB) ay nagdesisyon na ilipat ang nakaltas na OVP budget sa ibang ahensya.
Ang P646.5 million ay ililipat sa DSWD- Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program habang ang isa pang P646.5 million ay sa DOH- Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.
Mula sa P2.037 billion panukalang pondo ng OVP ay P733.198 million lamang ang ibinigay.
Ipinaliwanag ni Co na mayroong overlapping expenses na nakita sa OVP budget, isa sa tinukoy nito ay sa rental expenditures sa may 10 sattellite offices na umabot ng P53 million noong 2023 na noong panahon ni dating Vice President Leni Robredo ay nasa P4.1 million.
Aniya pa, habang 1.5 million beneficiaries ang natulungan ng OVP para sa kanilang medical, burial at relief programs ay mas marami pa ang mabibigyang tulong kung ang pondo ay ilipat sa DOH at DSWD. Kris Jose