Home NATIONWIDE Mahigit 1K PDL gusto mag-aral muli

Mahigit 1K PDL gusto mag-aral muli

MANILA, Philippines – Paiigtingin pa ng Department of Justice (DOJ) ang Alternative Learning System (ALS) program na ipinagkakaloob sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ay matapos mapag-alaman ng DOJ na maraming PDL ang nais mag-aral muli sa pamamagitan ng ALS.

Ang ALS ay isang programa ng Department of Education na naglalayon na matulungan ang mga Out of School Youths, mga mangagawa, may kapansanan, nakalaya sa bilangguan, mga rebelde, katutubo at iba pang tao na hindi nakatapos ng pag-aaral.

Nagtungo kamakailan si Department of Justice Undersecretary Margarita Gutierrez sa New Bilibid Prisons maximum at medium security compound para alamin ang kasalukuyang estado ng programa.

Ang mga PDL ang kinausap ni Gutierrez upang alamin ang kanilang opinuon kung paano mapapalakas ang ALS.

Nabatid na mahigit 1,000 PDL ang nag-enroll sa naturang programa.

Ikinatuwa ito ng DOJ dahil nakakamit nito ang layunin na mabigyan ng pagkakataon ang mga PDL na maging produktibong mamamayan paglabas sa bilanguan.

Magagamit din aniya ito na basehan sa good conduct tumr allowance (GCTA).

Pinag-aaralan ng DOJ ang makipag-ugnayan sa mga pribadong institusyon para magtuloy tuloy ang ALS program sa NBP. Teresa Tavares