Home METRO 4 sugatan sa pamamaril sa loob ng bar sa Las Piñas

4 sugatan sa pamamaril sa loob ng bar sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Apat na indibidwal ang sugatan, kabilang ang isang babae na nasa kritikal ang kondisyon, matapos pagbabarilin ng isang customer sa loob ng bar sa Las Piñas Lunes ng gabi, Abril 22.

Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang apat na di napangalanang biktima kung saan ligtas na sa kapahamakan ang tatlo habang patuloy na inoobserbahan ang kalagayan ng biktimang babae na tinamaan ng bala sa kanyang ulo.

Base sa report na natanggap ni Las Piñas police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla, kinilala ang dalawa sa mga suspects na sina alyas Boss at alyas Dexter habang hindi pa rin alam ang pagkakakilanlan ng tatlo pa nilang kasamahan na sangkot sa krimen.

Sinabi ni Tafalla na batay sa imbestigasyon, nagsimula ang gulo matapos magkaroon ng banggaan sa loob ng banyo ng naturang bar sa pagitan ng dalawan grupo.

Dito na nag-umpisa ang sigawan at palitan ng hindi magagandang salita ngunit pansamantala itong
humupa matapos mamagitan ang isang floor manager sa pagitan ng dalawang grupo.

Makaraan pa ang ilang sandali ay narinig na nag-hysterical ang babae sa grupo ng mga biktima kung saan nakita sa cctv footage na nakalap ng pulisya na nagtayuan ang grupo ng mga suspects.

Ayon kay Tafalla, narinig din ng ilang saksi na di-umanoý inutusan ni alyas Boss si alyas Dexter na pagbabarilin ang mga biktima na ginawa naman ng huli na nagdulot ng pagkasugat ng mga biktima.

Dagdag pa ni Tafalla na mayroon na ring dating kaso na kinasangkutan ang dalawang nabanggit na suspects.

Nahaharap sa kasong frustrated murder sa Las Piñas City Prosecutor’s Office sina alyas Boss at alyas Dexter kabilang ang tatlo pa kanilang kasamahan na di pa rin tukoy ang pagkakakilanlan. (James I. Catapusan)