MANILA, Philippines – Mahigit 1.1 milyong nutribun na ang naipamahagi ng Office of the Vice President (OVP) sa mga piling paaralan na may mataas na insidente ng malnutrisyon sa mga bata mula Mayo 2023 hanggang Abril 2024.
Sa accomplishment report ng OVP na inilabas nitong Martes, Hulyo 23, nasa kabuuang 1,182,892 buns ang naipamahagi na sa 14,472 estudyanteng benepisyaryo ng “Pansarap Program.”
Target ng Pansarap Program ng OVP nutritional supplementation program ang mga estudyanteng tinukoy bilang “severely wasted.”
Nakaayon ang inisyatibong ito sa Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) guidelines at tatagal ng 120 araw “to ensure adequate and sustained nutritional support for these children.”
Samantala, nagbenepisyo ang 119,234 indibidwal at 30,120 pamilya mula sa mga medical assistance at burial assistance programs ng OVP.
Nakinabang din sa Libreng Sakay Program ng OVP ang 1,000,682 commuters.
Nagbigay din ang opisina ni Vice President Sara Duterte ng nasa 200,000 bags at nakapagtanim ng 266,072 puno sa ilalim ng “Pagbabago” campaign.
Nasa kabuuang 205,692 pamilya ang naging benepisyaryo ng relief operations ng OVP.
“May we not squander the opportunity to lead, serve, and lift people up—so that they become part of our mission to build the nation,” saad sa pahayag ni Duterte. RNT/JGC