Bulacan – Nakahandang magbigay ng P2-milyon pabuya sa makakahuli sa suspek na tumakas matapos mapatay ang dalawang pulis sa buy-bust operation against illegal firearms noong tanghali ng Marso 8 sa bayan ng Bocaue.
Ito ang sinabi ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa isinagawang 1st Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Anti-Drug Abuse Council at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict nitong hapon ng Martes sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, Malolos City.
Nabatid na inanunsyo ni Fernando ang naturang halaga upang makatulong sa agarang pag-aresto sa suspek na si alyas ‘Athan’ nakakabatang kapatid ni alyas Dado na unang nahuling suspek sa naturang operasyon.
Hangad ng gobernador na mabigyan ng lubos na pagkilala sa kanilang dedikasyon at hustisya ang dalawang bayaning pulis na nagbuwis ng buhay na sina PSSg Gian George Dela Cruz at Dennis Cudiamat na nakatalaga sa Bocaue police station.
Una nang nagpahayag sa publiko na nakahandang magbigay ng P100,000 pabuya si Bocaue Mayor Jonjon Villanueva sa makakapagbigay impormasyon o makakatulong sa paghuli sa suspek.
Sinasabing patuloy ang puspusang pagtugis ng mga awtoridad sa mapanganib na armadong suspek. Dick Mirasol III