Home NATIONWIDE Mahigpit na pagpapatupad ng ‘no-build zone’ hinikayat ni PBBM sa mga LGU...

Mahigpit na pagpapatupad ng ‘no-build zone’ hinikayat ni PBBM sa mga LGU upang maiwasan pagbaha

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga local government unit (LGU) sa buong bansa na mahigpit na ipatupad ang mga polisiya sa “no-build zone” at iba pang hakbang upang mabawasan ang pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad laban sa epekto ng climate change.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kailangang pairalin ang batas at iwasan ang pamumulitika pagdating sa kaligtasan ng mga mamamayan.

“Ayon sa Pangulo, dapat ipatupad ang batas pati ang ‘no-build zone.’ Huwag nang mamulitika — ipatupad ang batas — dapat ipaliwanag sa lahat na kailangang mas maging strikto sa pag-implementa ng batas para sa ating kaligtasan,” ani Castro.

Hinimok din ng Pangulo ang mga LGU na ayusin ang kanilang mga nasasakupan, linisin ang mga daluyan ng tubig at tiyaking maayos ang pangongolekta at pagtatapon ng basura.

“Sa LGUs, ipatupad ang ‘no-build zones.’ Siguruhing maayos ang nasasakupan — makipagtulungan para mawala ang mga bara sa daluyan ng tubig — siguruhing nakokolekta ang basura at nailalagay sa tamang tambakan,” pagdidiin ni Castro.

Sinabi ni Castro na kung hindi nabigyang-pansin noon ang ilang polisiya, muling paiigtingin ng administrasyong Marcos ang pagpapatupad ng mga ito, lalo na ang mga may kaugnayan sa climate change.

“Kung hindi ito nabigyang-pansin noon — si Pangulong Marcos Jr. muli ang magpapasimula para higpitan ang pagpapatupad ng mga polisiya na may kinalaman sa climate change,” ani Castro.

Binigyang-diin din ng Malacanang Official na hindi dapat maging dahilan ang “palakasan system” o katiwalian upang hindi maipatupad nang maayos ang mga batas at polisiya laban sa pagbaha at climate change.

“Hindi na ito dapat — hindi na ito maaari — ayon kay Pangulong Marcos Jr.,” ani Castro.

Hinimok din ng Palasyo ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran at tamang pagtatapon ng basura dahil maaaring bumara ang mga ito sa mga daluyan ng tubig at magpalala ng pagbaha.

“Sa bawat barangay — ipaabot natin na ang bawat residente ay may ambag para mabawasan ang malalang epekto ng climate change. Mula sa maayos na pagtatapon ng basura, paglilinis ng kapaligiran, pagtatanggal ng bara sa daluyan ng tubig — hindi ito maliit na bagay,” giit ni Castro.

“Sa atin nagsisimula ang pagpapakita ng responsibilidad,” dagdag pa ng Palace Press Officer.

Sa harap nito, sinabi ni Castro na patuloy na hinihikayat ni Pangulong Marcos ang publiko na maging handa sa epekto ng climate change, na isa sa mga dahilan ng mas matinding panahon at pagbaha.

Sa kabila ng holiday nitong Lunes, pinangunahan pa rin ng Pangulo ang pulong kasama ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Budget and Management (DBM).

Tinalakay sa pulong ang pagbaha sa Central Luzon, health response sa Metro Manila, at mga ulat mula sa mga ahensiyang dumalo.

Sa kabilang dako, hinimok din ang Department of Education (DepEd) na maisama sa edukasyon ng mga bata ang mga aralin tungkol sa disaster preparedness at resilience upang maihanda sila sa mga epekto ng climate change.

“Sa mga estudyante, ang role ng bawat isa ay maging handa sa epekto ng climate change — mas magiging malala ang epekto nito sa mga susunod pang taon — huwag nating paabutin sa ganoong kondisyon,” giit ni Castro.

Binigyang-diin ni Castro na mahigpit na tagubilin ng Pangulo na kailangang seryosohin ang climate change at maging handa ang lahat upang mabawasan ang panganib nito.

“Ito ay para sa atin. Ito ay para sa bansang Pilipinas,” dagdag pa ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here