Home NATIONWIDE Senate probe vs epekto ng habagat, bagyo sa kawalan ng disaster mitigation,...

Senate probe vs epekto ng habagat, bagyo sa kawalan ng disaster mitigation, ikinasa ni Sotto

1
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senate President Pro Tempore Vicente C. Sotto III ng resolusyon na nananawagan para sa imbestigasyon ng Senado sa mga ugat na sanhi at matinding epekto ng magkakasunod na bagyo at habagat na tumama sa Pilipinas, upang mapalakas ang mga hakbang ng pamahalaan sa disaster mitigation tuwing may kalamidad.

Sa Proposed Senate Resolution No. 631, binanggit ni Sotto na nakaranas ang Pilipinas ng sunod-sunod na bagyo at habagat bawat linggo nitong Agosto 2026, na nagdulot ng malawakang pagbaha, suspensyon ng klase at trabaho, pagka-stranded ng mga commuter, pagsasara ng mga negosyo, at pagpasok ng baha sa mga bahay.

Ipinahayag din ng senador ang pangamba sa tibay at pagiging epektibo ng mga pampublikong imprastraktura, partikular na ang mga flood-control project na dapat sana ay nagpoprotekta sa mga komunidad laban sa pagbaha.

Batay sa resolusyon, tinatayang ₱5.1 bilyon ang pinsala sa pampubliko at pribadong imprastraktura, kabilang ang pagkasira o pagbagsak ng ilang kalsada, tulay, at flood-control structures.

Kabilang dito ang mga hindi pa tapos na flood-control project sa Sablayan, Occidental Mindoro, na iniulat na napinsala at nagdulot pa ng karagdagang pinsala sa mga lokal na komunidad, gayundin ang ilang bahagi ng Benguet-Nueva Vizcaya Road na gumuho dahil sa malalakas na pag-ulan.

Binanggit din ni Sotto ang pagbagsak ng Aquino Bridge at Agana Bridge sa Tarlac City noong Agosto 29, 2026 kung saan ang insidente sa Agana Bridge, isang sasakyan na may limang sakay ang sangkot.

Bukod sa pinsala sa imprastraktura, nagpahayag din si Sotto ng pangamba sa ulat ng Department of Health na umabot sa hindi bababa sa 5,486 na kaso ng leptospirosis at 344 ang nasawi kasunod ng pagbaha dulot ng habagat.

Ayon sa mambabatas, kailangang suriin ang tibay at kahandaan ng mga pampublikong imprastraktura sa gitna ng tumitinding mga bagyo at habagat, gayundin ang pagtiyak na isinasaalang-alang ng malalaking development project ang maaaring epekto ng mga ito sa pagbaha at natural resources.

“While resilience is a noble trait of Filipinos, the government was entrusted by the people to deliver quality public service and infrastructure and accountability must remain steadfast,” ayon sa resolusyon. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here