MANILA, Philippines – Muling nagpahayag ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng kanilang pangako sa maaasahan, mabilis, tapat, at mahusay na paghahatid ng serbisyo habang ipinagdiriwang ang kanilang 92nd anibersaryo sa Occupational Safety and Health Center Complex sa Quezon City noong Disyembre 8, 2025.
Nanguna si Labor secretary Bienvenido E. Laguesma, kasama ang ilang mataas na opisyal ng departamento sa simpleng pagdiriwang alinsunod sa panawagan ng administrasyon para sa maingat at matalinong paggamit ng pondo ng bansa sa mga pagdiriwang sa pagtatapos ng taon.
Sa kanyang pagtatalumpati, binigyang-diin ni Kalasekretari Laguesma ang patuloy na pag-angat ng mga programa at paghahatid ng serbisyo ng DOLE, at ang pagbibigay ng walang-humpay na serbisyo sa mga manggagawang Pilipino.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagsagawa ang DOLE ng mga job fairs sa 40 iba’t ibang lugar sa bansa mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 11, kung saan 1,020 job seekers ang natanggap sa iba’t ibang posisyon.
Mahigit 171,000 beneficiaries ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) ang nakatanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng higit sa P 919 milyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden