Home NATIONWIDE Makabayan hinarang sa pangangampanya sa OrMin

Makabayan hinarang sa pangangampanya sa OrMin

MANILA, Philippines – Dismayado ang Makabayan Coalition matapos na umano’y pigilan ang grupo sa pangangampanya sa isang barangay sa Pola, Oriental Mindoro.

Sa Facebook post, hinarap sina senatorial candidates Liza Maza, Ronnel Arambulo, Mimi Doringo, Amirah Lidasan, ACT-Teacher’s Party-list Representative Mariam Villanueva, at mga ka-alyado nito, ng mga indibidwal na nakasuot ng kulay blue na uniform at nagsabing hindi pinapayagan ng kanilang barangay ang simuman na mag-interview sa kanilang mga residente.

Ani Maza at Doringo, karapatan nilang mangampanya at abutin kahit ang mga liblib na lugar.

“Ang ganitong klase ng panghaharang at pagbabawal sa Makabayan na makapasok sa mga komunidad ay labag sa COMELEC Fair Campaigning Guidelines. Walang karapatan ang barangay captain, Mayor, o kahit sino na pagbawalan ang pangangampanya lalo na sa mga liblib at mahirap maabot na mga komunidad. Kailangang paimbestigahan kung sino ang nasa likod ng ganitong gawa-gawang batas,” saad sa pahayag ni Maza.

“Hindi nila kailangang itanong sa amin kung sino ang kakampanyahan naming mga residente dahil karapatan namin iyon. Kitang-kita na may mga karanasan ang mga residente na pilit nilang tinatago. Kaya mas dapat na maabot ng Makabayan ang mga komunidad na ito para malaman ang kanilang kalagayan”, ayon naman kay Doringo.

Samantala, sinabi ni Lidasan na naroon sila sa lugar upang makausap at makamusta ang Mangyan community.

“Nandito kami para kamustahin ang ating mga kapatid na Mangyan na naninirahan sa Mindoro. Sila ay bahagi ng kinakatawan ng Makabayan na mayroong karapatang iboto ang mga kandidatong ipaglalaban ang kanilang mga karapatan para sa lupang ninuno at laban sa militarisasyon”, pahayag naman ni Lidasan.

Wala pang tugon ang lokal na pamahalaan ng Pola kaugnay nito. RNT/JGC