MANILA, Philippines- Nagbabala ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa publiko laban sa pekeng website, na maaaring makalito sa mga biyahero sa darating na Holy Week.
Sa isang Facebook post, sinabi ng PITX na ang website na “pitx.online” ay hindi konektado sa transport hub.
“Munting paalala lalo na at papalapit na ang Holy Week na ang official website ng PITX ay https://www.pitx.ph/. Maging ma-ingat kung saan tayo magbu-book ng ating travels pauwi ng probinsya,” pahayag ng PITX.
“Mas makakabuti kung bumili lamang ng ticket sa mismong terminal or bus company para sa inyong byahe kung saan SAFE ang inyong pera at personal information,” dagdag nito.
Ngayong taon, nakatakda ang Maundy Thursday at Good Friday sa April 17 at 18, na idineklarang regular holidays.
Samantala, idineklara ang Black Saturday, gugunitain sa April 19, bilang special non-working holiday.
Nauna nang sinabi ng PITX na mahigit dalawang milyong indibidwal ang inaasahang dadagsa sa transport hub upang magtungo sa kani-kanilang probinsya o sa Metro Manila para gunitain ang Mahal na Araw. RNT/SA