Home METRO Makati Park and Garden para sa EMBO residents – Taguig LGU

Makati Park and Garden para sa EMBO residents – Taguig LGU

MANILA, Philippines – Move on na!

Ito ang naging reaksyon ni Taguig City Mayor Lani Cayetano sa pag-aakusa na iligal na pinasok ng Taguig ang parke na inaangkin ng Makati hanggang ngayon.

“Ang parke ay nararapat buksan para sa publiko at hindi dapat gawing tambakan lamang. Ito ay para sa mga mamamayan ng EMBO,” sabi ng Taguig LGU.

Ang pahayag ay kasunod ng pagsita ng Makati LGU sa tangka umanogn sapilitang pagpasok ng opisyal ng Taguig Taguig Traffic Management Office (TMO) sa Makati Park and Garden.

”Taguig has once again proven that it is bent on grabbing property that is legally owned and titled to the City of Makati.”’

”Gusto nilang mangamkam ng lupa na hindi kanila. Gusto nilang magpasasa sa mga ipinundar ng pamahalaang lungsod ng Makati gamit ang buwis ng mamamayan ng Makati,” saad ng Makati LGU.

Sumagot naman ang Taguig LGU sa nasabing pagsita.

“Tinuldukan na ng Korte Suprema ang usaping ito. Walang karapatan ang Makati na akusahan ang Taguig ng pangangamkam ng lupa. Ang Korte Suprema mismo ang nagsabi na ilegal na kinamkam ng Makati at inukupahan ng mahigit tatlong (3) dekada ang 10 EMBO barangay.”

Matatandaang sa desisyon ng Korte Suprema, inilipat ang EMBO barangay sa hurisdiksyon ng Taguig kaya wala umanong karapatan ang Makati na akusahan ang Taguig ng pangangamkam ng lupa, base naman sa pahayag ng Taguig LGU.

Dagdag pa nito na walang umanong kredibilidad ang Makati na magkunwaring ninanakawan sila ng lupa at pasilidad.

Sa pahayag ng Taguig LGU, hindi Makati ang nagpundar ng mga naturang pasilidad at sa halip ay mahigit tatlong (3) dekada umanong ilegal na kumulekta ng mga buwis sa lupain at negosyo sa EMBO ang Makati, na dapat ay sa Taguig napunta at sa mamayan nito.

Hinimok ng Taguig LGU si Makati Mayor Abby Binay na bigyang-daan ang matiwasay na pamamahala ng Taguig kaysa patuloy na bitbitin sa puso ang galit dulot sa pagkatalo sa kaso laban sa Taguig at pagkawala ng 10 EMBO barangay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema.

Ipinababatid sa lahat na agad nakapagtayo ang Taguig ng health center sa Southside, botika sa East Rembo at West Rembo, at assistance center sa Pembo. May telemedicine at shuttle service pa para dalhin ang mga pasyente sa mga PhilHealth-accredited health centers ng Taguig.

Tiniyak din ng Taguig LGU na bukas para sa residente ng EMBO lahat ng pangkalusugang pasilidad at pabenepisyo ng Taguig gaya Taguig Pateros District Hospital (TPDH),
31 health centers, 3 super health centers, 7 primary care facilities, Dialysis Center, 5 Animal Bite Treatment Center, 3 main laboratories, 29 community-based laboratories, at partnership with Medical Center Taguig at St. Luke’s BGC, regular na Love Caravan na lubos na pinapakinabangan at ikinasisiya ng mga residente ng EMBO.

May iba pang mga serbisyo ng Taguig tulad ng Pamaskong Handog (na may dagdag na 10 kilo ng bigas), Scholarship (na para sa lahat at hindi lang sa top 10% ng graduating class), Birthday Cash Gift for Senior Citizens at Persons with Disabilities (na house-to-house ang pamimigay), Day Care Centers (na nasa totoong paaralan), flood control measures (na madalas), pailaw sa mga kalye (na agarang ginagawa), at Center for the Elderly at Center for Persons with Disabilities (na sa Taguig lang makikita). Dave Baluyot

Previous articlePresyo ng ilang food items tumaas noong Pebrero
Next articleKasunduan sa SoKor sa deployment ng seasonal Pinoy workers pinaplantsa ng DMW