MANILA, Philippines – KUMBINSIDO ang Malacañang na tutugon ang mga politiko sa ipinagbabawal na ngayong pakikilahok nila sa pamamahagi ng tulong at ayuda, base na rin sa itinatakdang probisyon na nakapaloob sa 2026 GAA.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na isa nang batas ang nasabing pagbabawal kaya’t marahil ay mahihiya na ang mga politiko na lumabag sa nasabing probisyon.
Maaari naman aniya na maipakita ng mga nasa poder ng kapangyarihan ang kanilang malasakit at pagtulong sa kanilang constituents nang hindi lumalabas na sila ay umeepal.
Ayaw aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magmukhang galing mismo sa mga politiko ang kanilang ipinamimigay, na aniya’y sadyang naabuso sa mga nakaraan.
Hindi rin maganda, dagdag ni Castro, ang mga nangyari sa nakalipas na panahon na ang tunay na nangangailangan ang hindi nabibigyan ng tulong o kung nabibigyan man ay may bawas o kulang na. Kris Jose