Home HOME BANNER STORY Malaimpyernong sunog sa Tondo, kontrolado na

Malaimpyernong sunog sa Tondo, kontrolado na

3
0

MANILA, Philippines – Nakontrol na dakong alas-7:29 ng gabi nitong Martes, Hulyo 14, ang sunog na sumiklab sa residential area sa Dagupan Extension, Gagalangin, Tondo, Manila matapos itong umabot sa ikalimang alarma.

Tinatayang 50 bahay pa ang nilalamon ng apoy sa kasagsagan ng sunog, bukod pa sa mga nauna nang natupok, habang mabilis na kumalat ang apoy sa siksikang komunidad.

Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang sunog sa gitna ng dikit-dikit na residential area. Nahirapan ang mga rumespondeng bumbero na agad marating ang pinagmulan ng apoy dahil sa makikitid na daanan at magkakalapit na bahay.

Sumiklab ang sunog dakong alas-4:01 ng hapon at itinaas sa unang alarma bandang alas-4:15. Mabilis itong lumala at umabot sa ikalimang alarma pagsapit ng alas-5:29, kaya nagdagdag ng mga fire truck at tauhan.

Sinabi ng Manila Fire District na gawa sa magagaang materyales ang mga bahay sa lugar, dahilan upang mabilis na lumipat ang apoy mula sa isang istruktura patungo sa iba.

Nagtulungan sa pag-apula ng sunog ang mga bumbero mula sa mga lokal na pamahalaan at volunteer fire brigades. Nagtayo rin ng Incident Command Post sa Barangay 152, Laguna Extension, habang ginamit ang mga kalapit na fire hydrant upang mapanatili ang suplay ng tubig.

Lumikas ang mga residente habang nabalot ng makapal na usok ang lugar. Pinayuhan din ng mga awtoridad ang publiko na umiwas muna sa paligid habang nagpapatuloy ang firefighting at clearing operations.

Wala pang naiulat na nasawi, ngunit bineberipika pa ng mga awtoridad kung may nasugatan at kung ilang pamilya ang naapektuhan.

Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here