Home NATIONWIDE Malakanyang: 17% taripa ng US sa PH exports, may ‘maliit’ lang na...

Malakanyang: 17% taripa ng US sa PH exports, may ‘maliit’ lang na epekto

MANILA, Philippines- Maliit lamang ang epekto ng 17% na taripa ng Estados Unidos na ipapataw sa Philippine exports simula sa Abril 9, 2025.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro na ang taripa na ipapataw sa Pilipinas ay mas mababa kumpara sa tariff rates na itinakda sa ibang bansa.

Tinukoy ni Castro ang naging pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI), sinabi nito na aang pinakabagong hakbang ng Estados Unidos ay “very minimal” lamang.

“Desisyon po kasi ng gobyerno ng US iyan. Kung mayroon po silang dapat na pangalagaan patungkol sa kanilang mga economic growth nila or sa kanilang mga ekonomiya, hindi po ito mapipigilan. Iyan po ang kanilang magiging polisiya,” ayon kay Castro.

“At sabi nga po natin, ang pagpataw po ng 17 percent na second lowest sa ating palagay ay hindi na po ganoon kasama. Mabuti pa rin po ito sa ating palagay,” dagdag niya.

Sa ulat, nagpataw ang Estados Unidos ng mas mataas na taripa sa ibang Southeast Asian countries, kabilang na ang Cambodia (49% ), Vietnam (46%), Myanmar (45%), Thailand (36%), Indonesia (32%), at Malaysia (24%).

Tanging ang Singapore lamang ang mahaharap sa baseline na 10% tariff rate.

Sinabi ni Castro na ang reciprocal tariff policy ng Estados Unidos ay mapakikinabangan ng Pilipinas, habang ang ibang bansa naman na papatawan ng mas mataas na taripa ay maaaring ikonsidera na mamuhunan sa Maynila.

“Kapag po nanatili ang ganitong klaseng polisiya, maaari pa rin din po tayong makakuha ng mga investors mula doon sa mga bansa na may pinapatawan ng malalaking tariff,” ang sinabi ni Castro.

“So, maaari silang pumunta sa Pilipinas, dito sila magsagawa, mag-manufacture, dahil 17 percent lamang ang pinapataw sa atin. So, puwedeng negative-positive ito,” patuloy ng opisyal.

Samantala, makikita naman sa pinakabagong data ng gobyerno ng Estados Unidos na ang US goods trade sa Pilipinas ay may kabuuang USD23.5 billion noong 2024.

Ang Imports mula sa Pilipinas sa Estados Unidos ay umabot naman sa halagang USD14.2 billion noong 2024, tumaas ng 6.9% o USD912 million mula 2023.

Sa kabilang dako, ang exports naman ng US goods sa Pilipinas noong 2024 ay US9.3 billion, mas mataas ng 0.4 percent o USD38.8 million mula 2023. Kris Jose