MANILA, Philippines – Ayaw pag-aksayahan ng panahon ng Malakanyang ang tila pasaring ni Sen. Imee Marcos na isa na namang serye na posibleng tumagal ng isang taon ang tungkol sa paghahain ng impeachment complaint laban sa kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
“Hindi namin nais komentuhan ang mga kwentong walang basehan, puro hula, puro insinuations, at kung ito ay nagmumula sa mga taong may tunay na kinikilingan,” ang pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam.
Nauna rito, sinabi ni Imee Marcos na kilala raw ng publiko ang nagsampa ng kaso laban kay Pangulong Marcos at alam ng marami ang umano’y background nito.
“Isa na namang drama series na mukhang tatagal ng isang taon,” ang sinabi ni Imee Marcos sa isang press conference sa Senado.
Dagdag pa niya, “Kilala naman natin [kung] sino nag-file at anong background kaya ‘yun nga, baka drama series lang ito para sa isang taon [na] tagal.”
Ani Imee Marcos, hindi raw niya nabasa masyado ang mga grounds na idiniin laban kay PBBM dahil natatawa raw siya.
“Hindi ko nabasang maigi kasi natatawa ako sa itsura. Wala, masyadong obvious na drama series. Marami tayong napanood na na pelikulang ganoon, e. Bumenta na ‘yon sa takilya,” aniya.
Nabanggit din ni Imee Marcos na kasabay ito ng napipintong pagbubukas muli ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na ang due date ay sa Pebrero 6, 2026.
“Tapos may impeachment complaint din kay VP ulit, ano, February 6 ang due date,” saad niya.
“Kung lulusot ‘yan, senator judge kami pareho ni Sen. Marcoleta pero hindi na ako magkokomento tungkol sa ikalawang impeachment complaint na inaasahan tutol kay VP Sara,” pagbabahagi pa niya.
“Pero sa palagay ko, alam na ng Kongreso ang nangyari noong nakaraang eleksyon,” pagtatapos ng senador.
Matatandaang naghain ng kauna-unahang impeachment complaint laban kay PBBM si House Deputy Minority Leader Pusong Pinoy Party-List Rep. Jett Nisay sa pamamagitan ng abogado niyang si Atty. Andre De Jesus noong Lunes, Enero 19, 2026. (KRIS JOSE)