Home NATIONWIDE Malakanyang: Kaso ni Kian naglahad ng pangangailangan sa mas malalim na imbestigasyon...

Malakanyang: Kaso ni Kian naglahad ng pangangailangan sa mas malalim na imbestigasyon sa drug war

256
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na rerebisahin nito ang desisyon ng Korte Suprema na pinagtibay ang hatol o ‘conviction’ sa tatlong pulis na pumaslang kay Kian delos Santos sa isinagawang anti-drug operation noong 2017 sa Caloocan City.

Sinabi ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez na hindi pa ganap na napag-aaralan ng Malakanyang ang desisyon ng Korte Suprema.

“We still need to review the Supreme Court decision,” ang sinabi ni Gomez.

Sa desisyon kasi na isinulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, nakasaad dito na napatunayang may sala sa kasong murder ang tatlong pulis na sina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz.

Sila’y nahatulan ng parusang ‘reclusion perpetua’ o pagkakakulong na aabot sa 40 taon kasabay ng kabayaran P275-libo danyos sa pamilya ng biktima.

Sinabi ni Gomez na ang development ay nagbigay-diin sa  kahalagahan ng panukala mula sa iab’t ibang sektor na magtatag ng independent body na susuri sa kaso ng di umano’y extrajudicial killings.

“This development underscores the need to consider the proposal from the church, civil society, and some members of Congress for an independent Truth Commission to probe more deeply into these extrajudicial killings,” ang sinabi pa rin ni Gomez.

Sa ulat, batay sa records ng kaso, gabi noong August 16, 2017 nang pigilan at hinalughog si Kian sa Barangay Baesa, Caloocan.

Sinaktan umano ang biktima at pinilit na magkunwaring may hawak na baril bago dalhin sa madilim na lugar, batay na rin sa pahayag ng mga testigo.

Kasunod nito, pinaputukan ng ilang beses si Kian nina Oares at Pereda, habang nagbabantay naman si Cruz.

Iginiit ng mga pulis na rumesponde lamang sila sa sumbong ng ilegal na droga, subalit hindi ito kinatigan ng hukuman at sinabi ng SC na kumpleto ang lahat ng elemento ng murder.

Sa pagsusuri ng medico-legal, posibleng nakaupo o nakaluhod si Kian nang barilin at wala umanong kakayahang ipagtanggol ang sarili.

Tinanggihan din ng hukuman ang depensa na ginagawa lamang ng mga pulis ang kanilang tungkulin at iginiit na hindi kailanman bahagi ng lehitimong operasyon ang pagpatay lalo na sa isang menor de edad. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here