MANILA, Philippines – Nanawagan ang Malacañang nitong Martes kay nagbitiw na Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na sagutin ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa maanomalyang flood control projects.
“Mas mainam na maipaliwanag ang kanyang side,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro. Giit niya, hindi matatakasan ni Co ang posibleng kaso: “Kung magkakaroon man siya ng kasong maisasampa, hindi po niya ito maiiwasan… mas maganda po rito kung siya man po ay masasampahan ng kaso, ipaglaban na lang niya ang kanyang karapatan at ipaglaban ang katotohanan.”
Dagdag ni Castro, kung hindi sasagot si Co ay magmumukha lamang siyang guilty.
“Definitely dapat niya po itong sagutin, dahil kung hindi niya po ito masasagot at iiwasan niya, lalabas lamang po siyang guilty,” aniya.
Nagbitiw si Co sa Kamara noong Setyembre 29 kasunod ng mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng flood control projects at budget insertions. Itinanggi niya ang mga paratang at sinabi sa kanyang resignation letter: “All I can tell you now is that the accusations being made against me are false… At present, I can only stay silent to protect my family and myself. We are in grave danger.”
Ang pagbibitiw ay kasunod ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na kasuhan siya at ilang opisyal ng DPWH ng graft, malversation, at falsification kaugnay ng ₱289.5-milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro na ipinatupad ng Sunwest Inc., kumpanyang may kaugnayan kay Co.
Noong nakaraang linggo, hiniling din ng DPWH sa Anti-Money Laundering Council na i-freeze ang ₱4.3 bilyong halaga ng air assets ni Co at ng kanyang pamilya bilang bahagi ng crackdown laban sa umano’y ill-gotten wealth. RNT