MANILA, Philippines – Itinanggi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Martes na pinoprotektahan ng Department of Justice (DOJ) si dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
“Zaldy Co, as the chairman of Appropriations, is well known as the speaker’s choice. Alam natin ‘yan,” ani Remulla, sabay giit na nagpapatuloy ang case build-up kung saan ikinokonsidera ang kaugnayan nina Co at Romualdez.
Si Co, na nagbitiw kamakailan, at ilang opisyal ng DPWH ay nirerekomenda para kasuhan dahil sa umano’y budget insertions at maanomalyang proyekto. Inutusan ni Remulla ang DOJ na gumawa ng diagram ng lahat ng sangkot sa isyu.
Hinahanap din ng DOJ si Orly Guteza, ang testigong nagsabing siya mismo ang naghatid ng pera kina Co at Romualdez. Hindi siya sumipot matapos humiling ng witness protection sa Senate hearing.
Ani Remulla: “We’re just hoping he’s okay and that he can shed light on his affidavit… Alagaan na nila. Wag na nila papakawalan. Kasi ‘yung testigong ganon nakakatakot naman kung hindi na lalabas ulit.”
Mariing itinanggi nina Co at Romualdez ang alegasyon. Giit ni Romualdez, imposible ang sinasabing paghatid ng pera sa kanyang bahay sa McKinley dahil ito’y sumasailalim noon sa renovation.