Home NATIONWIDE Malakanyang, kinuwestiyon paggigiit na alisin SALN evidence sa VP impeachment

Malakanyang, kinuwestiyon paggigiit na alisin SALN evidence sa VP impeachment

3
0

KINUWESTIYON ng Malakanyang ang paggigiit na alisin ang ilang dokumento, kabilang ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), mula sa mga ebidensiyang ipi-presenta sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang mga dokumentong may kinalaman sa SALN ni VP Sara ay kabilang sa “core pieces of evidence” sa impeachment complaint, partikular na kaugnay sa alegasyon ng unexplained wealth.

“Sa ating pagkakaalam, ito iyong pinaka-core eh, ito iyong pinaka-meat ng kaso, ng complaint laban sa kaniya tungkol sa diumanong unexplained wealth,” ani Castro.

“So, kung pinapatanggal niya ito, papaano niyang maipapakita sa bayan na siya ay tuwid at malinis at walang unexplained wealth?” aniya pa.

Kinuwestiyon din ni Castro ang basehan para alisin ang nasabing records mula sa proceedings, subalit nilinaw na hindi makikialam ang Malakanyang sa paghawak ng Senado sa impeachment trial.

Binigyang-diin ni Castro na ginagalang ng administrasyon ang kalayaan ng Senado at ipinauubaya na rito ang impeachment process.

“Hindi naman makikialam ang Palasyo, ang administrasyon sa magiging trabaho po ng Senado,” ayon kay Castro.

Binigyang-diin pa ni Castro ang kahalagahan ng public reporting at dokumentasyon sa pag-assess ng government performance, at tinukoy ang kamakailang accomplishment report ni VP Sara.

Ang nasabing report ay dapat lamang aniya na suportado ng kompletong records at verifiable data. Tinukoy niya ang kamakailang findings ng Commission on Audit (COA) sa mga programa ng Office of the Vice President (OVP), kabilang ang mga alalahanin sa entrepreneurship at assistance initiatives.

Idinagdag pa ni Castro na napuna ng COA ang ilang proyekto ng OVP dahil sa kakulangan ng supporting documentation gaya ng feasibility studies, written agreements at evaluation reports.

“Mga bagay na dapat na isinasagawa, otherwise, ikaw talaga ay mafa-flag ng COA. At mayroon pa pong mga na-flag na tungkol sa distribution ng mga ayuda, kulang-kulang ang listahan ng mga rice beneficiaries, walang mga situational reports or mission orders na magsu-support sa pamimigay ng mga ayuda,” aniya.

Aniya pa, “Accountability requires more than accomplishment figures,” at binigyang-diin ang pangangailangan ng maayos at tamang dokumentasyon at audit compliance sa government reporting.

“Dapat ito ay mabigyan ng basehan kung totoo bang ito ay naipamigay dahil marami na pong naibalita noon na may mga ghost students, ghost vouchers, ghost school materials, ghost food packs,” ang tinuran ni Castro.

“So, sabi nga natin, dapat makumpleto ang report hindi lamang sa numero kaya it would be very challenging for the Vice President,” anito. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here