MANILA, Philippines – NANANATILING kumpiyansa ang Malakanyang na malalagdaan ang panukalang P6.793 trillion national budget para sa 2026 bago magtapos ang taon.
“Hindi pa naman natatapos ang Disyembre… at sa tingin ng Pangulo ay may sapat pang panahon para aralin ito,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Ang panukalang 2026 General Appropriations Act (GAA) ay sumasailalim sa deliberasyon ng bicameral conference committee para i-reconcile ang bersyon ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Castro na naniniwala si Pangulong Marcos na may sapat pang panahon para maipasa ang national budget, kahit pa sinabi niya na ang panukalang iwasan ang reenacted budget ay welcome.
“Maganda po ang suhestiyon ni Senator Ping Lacson pero ang nais po talaga ng Pangulo ay hindi magkaroon ng reenacted budget,” ang sinabi ni Castro.
“Ang good option, aralin mabuti… Maayos na budget na naipapasa on time. Hindi pa tapos ang Disyembre,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)