MANILA, Philippines – Matapos mag-viral ang insidente, inirekomenda na ni Land Transportation Office Chief Asec. Markus Lacanilao ang tuluyang pagbawi sa driver’s license ng motoristang bumatok at nagsalita ng masasama sa isang ama at anak na nagkakariton sa Antipolo City, Rizal.
Ngayong araw, tinapos ng LTO ang pagdinig sa kaso kung saan kinumpiska na ang lisensya ng motoristang kinilalang si Carlo Subong.
Sinabi ni Asec. Lacanilao na malinaw sa viral video ang naging pang-aabuso ng driver, na nagsilbing matibay na basehan ng rekomendasyon para sa revocation ng kanyang lisensya.
Kaugnay nito, ilalabas naman bukas, Disyembre 18, ang pinal na resolusyon ng LTO kaugnay ng imbestigasyon sa insidente.
Bukod sa rekomendasyon na bawiin ang lisensya, hindi na rin maaaring gamitin ang puting pick-up na sangkot sa insidente dahil naka-alarma na ang sasakyan. (Santi Celario)