Home NATIONWIDE Malakanyang, nanawagan ng isang ‘healthy dialogue’ sa pagitan ng Pinas, Tsina

Malakanyang, nanawagan ng isang ‘healthy dialogue’ sa pagitan ng Pinas, Tsina

173
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang mga opisyal ng Pilipinas at Chinese Embassy sa Maynila na ikalma ang kanilang ‘word war’ sa usapin ukol sa West Philippine Sea (WPS).

“The [de-escalation] of tension between China and the Philippines should not come from just one country,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Consideration for friendly discussions and healthy dialogue should come from both nations—not just from the Philippines, not just from China. Both countries must work together to establish mutual respect for one another,” aniya pa rin.

Nauna rito, napaulat na nagpahayag ang ilang mambabatas na mas mainam na palitan si Chinese Ambassador Jing Quan sa kanyang posisyon dahil lalo umanong nagpapabigat ang nasabing opisyal sa tensyon sa WPS.

Nagbabala naman ang Chinese embassy sa Maynila na ang hakbang ng mga senador sa pagpuntirya sa mga diplomat nito ay maglalagay sa panganib ng ugna­yang pang-ekonomiya at maaring magdulot ng pagkawala ng milyong trabaho para sa mga Pilipino.

Ang pahayag ng China ay sa gitna ng tumataas na tensyon sa pagitan ng Beijing at mga mambabatas kaugnay sa patuloy na usapin sa West Philippine Sea.

Muli namang inulit ni Castro ang pagtanggi ng Pangulo na ideklarang “persona non grata” ang Chinese diplomat o i-recall ang Chinese ambassador.

Sa ulat, sinabi ni Chinese Embassy in the Philippines Spokesperson Ji Lingpeng na hindi pa bahagi ng opsiyon ng Tsina na patawan ng sanction ang ilang opisyal ng Pilipinas na patuloy na tumutuligsa sa embahada.

Aniya, may kalayaan ang mga mambabatas ng Pilipinas na sumagot at ilahad ang kanilang saloobin.

Naniniwala rin ang embassy official na walang sinuman ang dapat na patahimikin pero may kalayaan din aniya ang embahada na sagutin ang mga pambabatikos.

Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng mga suhestiyon na patawan din ng travel ban sa China, Macao at Hong Kong ang mga mambabatas ng Pilipinas na patuloy sa pagtuligsa sa mga hakbang ng China sa West Philippine Sea. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here