Home NATIONWIDE Malakanyang, ‘no confirmation’ sa arrest warrant ng ICC vs Sen. dela Rosa

Malakanyang, ‘no confirmation’ sa arrest warrant ng ICC vs Sen. dela Rosa

354
0

MANILA, Philippines – No Confirmation.

Ito ang tugon ng Malakanyang kaugnay ng napaulat na mayroon na rin umanong arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, batay sa pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na bineberipika pang mabuti ng Malakanyang ang impormasyon na nagpalabas na ang ICC ng warrant of arrest laban kay Sen. Bato dela Rosa.

“No confirmation. We are busy at Super Typhoon Uwan preparations,” ayon kay Castro.

Para naman kay Executive Secretary Lucas Bersamin, wala pang ini-isyu ang International Police (Interpol) na anumang abiso ukol sa bagay na ito, base na rin aniya sa Philippine Center on Transnational Crime.

Gayunman, sinabi ni Bersamin na maaaring naglabas nga ng arrest warrant ang ICC, subalit posibleng hindi pa aniya ito naidadaan sa Interpol.

Sa kabilang dako, sinabi ni Bersamin na hindi naman awtomatikong aarestuhin ng mga awtoridad ang senador kapag natanggap na ang arrest warrant, katulad ng ginawang pag aresto noon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y dahil sa may bago nang panuntunang inilabas ang korte suprema ukol sa extradition.

Sinasabing, sa bagong patakaran ng Korte Suprema, kailangang iharap o idaan muna sa korte o hukuman bago iturn over sa Interpol ang isang taong subject ng extradition, bago ito ganap na mailabas ng bansa at madala sa ICC. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here