Home NATIONWIDE Malakanyang: Pagiging ‘welcome’ ng mga dayuhang turista sa Pinas ‘di pasaporte para...

Malakanyang: Pagiging ‘welcome’ ng mga dayuhang turista sa Pinas ‘di pasaporte para bastusin mga Pinoy

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Malakanyang ang mga dayuhang turista na igalang ang mga Pilipino, ang batas at ang kostumbre ng mga ito.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon interview, sinabi ni Palace Press Officer and Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na bagama’t welcome ang mga dayuhang turista sa bansa ay hindi naman ito pasaporte para bastusin ang mga Pilipino.

“Ang mga turista naman po, ang mga foreign nationals, ay welcome naman po sa Pilipinas. Pero hindi po ibig sabihin nito na eh kung welcome sila ay handa na rin po nila na bastusin ang mga Filipino, ang kostumbre po natin, ang batas natin,” ang sinabi ni Castro.

Binigyang-diin pa nito na ang freedom of expression ay dapat na balanse sa responsibilidad.

“Ang bawat freedom, ang bawat karapatan ay may kaakibat na obligasyon. Hindi puro karapatan ang dapat isigaw,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, pinuri naman ng Malakanyang ang mga law enforcement agencies sa pag-aresto sa ‘bastos’ na Russian-American vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy.

Inakusahan si Zdorovetskiy nang pangha-harass sa mga Pilipino na nasaksihan sa viral videos.

Ani Castro, nakarating na sa kaalaman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang insidenteng ito at kagyat na ipinag-utos sa mga awtoridad ang agarang aksyon.

“Yes, opo, nakarating po ito sa ating Pangulo kaya po mabilis niya po itong pinakilos itong ating mga awtoridad,” ayon kay Castro.

Kinilala naman ni Castro ang nagsanib-pwersang Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Bureau of Immigration (BI) para sa pagsakote sa naturang vlogger.

“Kaya po sa joint efforts po ng PNP, CIDG at ang Bureau of Immigration ay nahuli po itong agad si Vitaly Zdorovetskiy dahil nga nakita nga po kung papaano bastusin ang ating mga kababayan at hindi igalang kung anong batas natin dito,” ang winika ni Castro.

Kinumpirma ni Castro na kasalukuyang nakaditine si Zdorovetskiy sa BI facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan at sumasailalim sa inquest proceedings.

Inaasahan naman ni Castro na agad na mapapa-deport si Zdorovetskiy at maaaring ideklarang persona non grata.

“Opo. Eh unang una po ay ipapa-deport na yan eh so doon pa lang po talagang persona non grata na ang maituturing sa kanya,” ang sinabi pa rin nito.

Maaari rin aniyang maharap sa reklamo ang Filipino cameraman na nagtatrabaho kasama ni Zdorovetskiy.

“Opo. Kasi po kung tutuusin po natin in conspiracy po yan,” anito sabay sabing maaari itong kasuhan ng unjust vexation, depende sa klase ng kanyang partisipasyon.

Sa ulat, inaresto ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy sa isang hotel sa Pasay City nitong Miyerkules dahil sa pangha-harass umano sa mga Pilipino sa kanyang mga livestream, ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Huwebes.

Sa isang pahayag, sinabi ng CIDG na dinakip ang naturang content creator at streamer matapos maglabas ang Bureau of Immigration (BI) ng Mission Order for Undesirability laban sa kaniya.

Sinabi ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III na inaabala umano ng vlogger ang mga Pilipino at nagpakita ng “disruptive behavior” sa kanyang livestream sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.

Nag-viral online ang mga video ni Vitaly habang nakatanggap naman siya ng batikos dahil sa umano’y pangha-harrass at pang-iinsulto sa mga Pilipino para sa content.

“His recent video filmed in BGC and viral online has sparked outrage due to his alleged disruptive and inappropriate behavior toward unsuspecting and friendly Filipinos,” sabi ng CIDG.

Sa isang hiwalay na pahayag ng BI, sinabi nitong isang BGC security guard ang naghain umano ng police blotter laban kay Vitaly sa Southern Police District para sa “harassment” na humantong sa pagpapalabas ng mission order.

Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pag-aresto kay Vitaly ay nagsisilbing paalala na bagama’t tinatanggap ng Pilipinas ang mga dayuhang bisita, ang mga hindi gumagalang sa mga mamamayan at mga batas nito ay mahaharap sa mga kahihinatnan.

“The Philippines welcomes visitors from all over the world, but those who abuse our hospitality and violate our laws will be held accountable,” sabi ni Viado. Kris Jose