MANILA, Philippines – “Good health, good fortune.”
Ito ang birthday wish ng Malakanyang kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na nagdiriwang ng kanyang ika- 80 taong kaarawan ngayong Marso 28, 2025.
Sa press briefing sa Malakanyang, saglit na kumanta si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ng ”Happy Birthday” para sa dating Pangulo.
”Katulad po ng sinabi natin noong nakaraan, dapat lamang po nating batiin ng ‘Happy Birthday, ang dating Pangulong Duterte,” ang sinabi ni Castro.
”And of course we wish more years to come, we also wish good health, good fortune, kailangan po niya ‘yan,” aniya pa rin.
Ang dating Pangulo ay nahaharap sa crimes against humanity na iniugnay sa kanyang “war on drugs” na dahilan ng pagkamatay ng libo-libong katao.
Nagsagawa naman ng rally ang kanyang mga taga-suporta sa ilang bahagi ng bansa para markahan ang kanyang kaarawan.
Ani Castro, ang mga aktibidad para kay Digong Duterte ay hindi pipigilan hangga’t patuloy na sumusunod ang mga ito sa regulasyon at batas.
”’Pag sumigaw na ibagsak ang gobyerno, isa ‘yan. Kapag nagpatuloy ng pananalita to sow fear, ipromote pa ‘yung hatred sa government, bordering the line of inciting to sedition. Dapat alam po nila ‘yan,” ang tinuran ni Castro.
”Huwag lamang po silang lalagpas at maituturing na ang kanilang ginagawa ay labag sa batas,” aniya pa rin. Kris Jose