Home NATIONWIDE Malakanyang sa mga tatakbo sa pagka-pangulo sa 2028: “Mag-isip-isip dahil baka hindi...

Malakanyang sa mga tatakbo sa pagka-pangulo sa 2028: “Mag-isip-isip dahil baka hindi qualified”

184
0

MANILA, Philippines – Tila pinayuhan ng Malakanyang ang mga nagnanais at nagpahayag na ng kanilang hangarin na tumakbo sa pagka-pangulo na mag-isip-isip kung kuwalipikado ba talaga sila na tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na dapat din na mag-isip-isip ang mga ito kung sila ba ay makakatulong sa bayan o makakapagpayaman lamang ng sarili.

Nauna rito, may ilang personalidad na di umano ang kinakausap ang kampo ni Pangulong Marcos na posibleng tumakbo sa pagka-presidente sa 2028 Presidential election.

Gayunman, may ilan na rin ang tumanggi na tumakbo.

Aminado si Pangulong Marcos na mas mahirap iangat sa presidential level ang isang taong walang karanasan sa pulitika, lalo na sa highly political atmosphere ngayon sa Pilipinas.

Nilinaw naman ng Punong Ehekutibo na hindi pa napapanahon ang anumang endorsement sa ngayon dahil anya “timing is everything.”

Sa ulat, sinabi na inihayag ito ng Pangulo sa ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum ngayong hapon, kung saan sinabi nyang may mga opisyal sa gobyerno na nakikita nilang mahusay sa trabaho at may potensyal na maging susunod na lider ng bansa.

Inisa-isa naman ng Pangulong Marcos ang mga katangiang dapat taglayin ng susunod na lider ng bansa.

Kabilang dito ang malalim na pag-unawa sa ekonomiya, kakayahang lumikha ng trabaho, mapanatiling mababa ang inflation, at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain.

Binigyang-diin din nya ang kahalagahan ng lider na nakatuon sa pagpapataas ng productivity ng mga manggagawa, pag-aayos ng sistema ng edukasyon, at pagtiyak sa kalusugan at seguridad sa pagkain ng mamamayan.

Giit ng Pangulo, ang kailangan ng bansa ay isang nation-builder, isang lider na ang pangunahing iniisip ay kung paano mapapabuti ang Pilipinas, hindi ang pamumulitika.

“So, sa mga nangunguna o inuuna ang pamumulitika sa ngayon ay mag-isip-isip dahil baka hindi kayo qualified,” diing pahayag ni Castro.

Samantala sa ngayon, nakatutok ang Pangulo sa serbisyo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here