Home NATIONWIDE Malakanyang sa pagpalag ni Roque sa ulat na nabasura hiling na asylum:...

Malakanyang sa pagpalag ni Roque sa ulat na nabasura hiling na asylum: DILG na sasagot

1
0

MANILA, Philippines – IPINAUBAYA na ng Malakanyang kay Interior Secretary Jonvic Remulla ang pagsagot sa naging pahayag ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa sinabi ng Kalihim na binasura ang kanyang asylum application sa Austria.

“Kung si Sec. Jonvic po ang nagbalita nito, so, hayaan po natin si Secretary Jonvic ang sumagot patungkol dito sa inaakusa ni Harry Roque. At kung mayroong ibang mga legal na operasyon na gagawin ang DILG definitely mayroon tayong kasabihan na ‘do not telegraph your punches,’” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“So, hayaan na lang po natin si Secretary Jonvic ang sumagot patungkol diyan,” ayon pa rin kay Castro.

Sa ulat, sinabi ni Roque na walang patakaran na awtomatikong itinuturing na denied ang asylum application kapag lumampas ng anim na buwan nang walang desisyon.

Sinabi ni Roque na nakabinbin pa sa Austrian authorities ang kanyang aplikasyon at hinihintay niya ang pinal na desisyon.

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na dapat na maging matapang ang bawat filipino na may kinahaharap na kaso na harapin kung anuman ang nagiging usapin patungkol sa kanila.

Nilinaw ni Castro na ang pahayag niyang ito ay hindi lamang patungkol kay Roque kundi sa pangkalahatang indibiduwal na may kinahaharap na kaso.

“Si Harry Roque? Ang dapat na ginagawa ang bawat Pilipino kung mayroon mang kinakaharap na usapin at alam niya sa sarili niya na siya ay malinis at walang bahid ng anumang pagkakamali dapat na maging matapang na harapin kung anuman ang nagiging usapin patungkol sa kaniya – ito in general po ha hindi lang para po kay Harry Roque,” ayon kay Castro.

“So, hindi puwedeng gamitin ang impluwensiya, ang lakas, ang taumbayan para makaiwas ka sa mga ibinabato sa iyo.

So, harapin at ipakita mo iyong sarili mong ebidensiya na maaari mong magamit para malinis ang iyong pangalan. So, ito po ay in general nating masasabi sa mga taong maaaring inaakusahan ng anumang aksiyon or anumang krimen na nagawa diumano,” litaniya ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here