MANILA, Philippines — Prayoridad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtalakay sa fare hike para sa mga bus sa gitna ng mga petisyon ng transport groups, ayon sa Malacañang ngayong Biyernes.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na patuloy ang mga pagdinig upang matukoy kung aaprubahan ang mga petisyon sa dagdag-pamasahe. Ayon sa kanya, itinuturing na premature ang hiling ng jeepney operators at drivers dahil mayroon nang umiiral na P1 provisional fare increase.
“Ayon naman din po sa LTFRB, ang patungkol po sa hinihiling ng mga jeepney operators and drivers mukhang hindi pa po napapanahon, premature dahil po mayroon pong provisional fare increase sa halagang one peso. At ayon sa kanilang computation itong provisional grant na ito na fare hike na one peso ay naco-cover pa po ang fuel cost para sa jeepneys,” ani Castro.
Dagdag niya, sinabi rin ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza II na ang mga hiling ng jeepney operators ay hindi lamang tungkol sa fare hike kundi pati sa paglaban sa colorum vehicles. Gayunman, binigyang-diin ni Castro na ang kasalukuyang prayoridad ng LTFRB ay ang fare hike para sa mga bus.
“Pero ang priority po ngayon ng LTFRB kung magkakaroon po ng fare hike ay ang mga buses dahil wala po silang temporary fare hike. So, iyon po, ang priority po nila ay ang pag-uusap tungkol sa pag-increase ng pamasahe sa mga bus,” aniya.
Inihain ng transport groups ang kanilang mga petisyon dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at maintenance costs. Ayon kay Mendoza, ang mga oil price increases nitong mga nakaraang linggo ay “opened the door anew for the discussion on the petitions,” bagamat isinasaalang-alang ang posibleng epekto nito sa inflation.
Ang huling aprubadong fare hike ay ang P1 provisional increase na ipinatupad noong Oktubre 2023. Sinabi ng LTFRB na kukunsulta ito sa mga eksperto upang suriin ang posibleng epekto ng fare hike sa ekonomiya. RNT