Home NATIONWIDE DILG: May protektor sa likod ng malawakang yosi smuggling sa Pinas

DILG: May protektor sa likod ng malawakang yosi smuggling sa Pinas

203
0

MANILA, Philippines — Naniniwala si Interior Secretary Jonvic Remulla na may mga taong nasa “mataas na puwesto” na nagbibigay ng proteksyon sa mga sangkot sa smuggling ng sigarilyo sa bansa.

Ginawa ni Remulla ang pahayag sa isang press briefing matapos ang pagsalakay ng Bureau of Customs at iba pang awtoridad sa isang ilegal na cigarette manufacturing warehouse sa Tanza, Cavite.

Tinatayang nasa P200 milyon ang halaga ng mga ilegal na produkto ng tabako, makinarya, at raw materials na natuklasan sa operasyon. Ayon kay Remulla, bagamat hindi pa natutukoy ang mga sinasabing protektor, naniniwala siyang malalantad din ang mga ito.

Bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at economic sabotage.

Natuklasan ang ilegal na pasilidad matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa matinding amoy ng tabako mula sa isang bodega na idineklarang imbakan ng de-lata.

Natagpuan ng mga awtoridad ang 11 pinaghihinalaang cigarette-making machines, dalawang generator set, isang forklift, at mga finished cigarette products. Nadiskubre rin ang mga peke at iregular na tax stamps na nagpapahiwatig ng malawakang pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis.

Sinabi ni Remulla na umabot sa P30 bilyon ang nawalang buwis sa gobyerno noong nakaraang taon dahil sa ilegal na operasyon ng sigarilyo.

Nagbabala ang kalihim na hindi lamang mga manufacturer ang hahabulin kundi pati ang mga distributor at retailer, at ang sinumang mahuhuling nagbebenta ng kontrabando ay maaaring kasuhan sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na isang non-bailable offense. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here