MANILA, Philippines — Sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ngayong Biyernes na ang nakatakdang pagpupulong nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating bise presidente at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo ay naayos na bago pa inanunsyo ni Vice President Sara Duterte ang kanyang planong tumakbo bilang pangulo sa 2028.
Ayon kay Pangilinan, ang pagbisita ni Marcos sa Naga City sa Sabado, Pebrero 21, ay matagal nang napagkasunduan at walang kaugnayan sa nalalapit na halalan. “Ang pagkaalam ko base sa meeting namin ni Executive Secretary [Ralph] Recto two weeks ago, that this was finalized way before the announcement of VP Sara. So walang kinalaman itong pagpunta ni PBBM sa Naga sa mga kandidato sa 2028,” aniya.
Humingi ng kumpirmasyon ang GMA News Online kay Executive Secretary Ralph Recto kaugnay ng pahayag ni Pangilinan.
Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na magpupulong sina Marcos at Robredo upang talakayin ang implementasyon ng Oplan Kontra Baha sa Naga City, Camarines Sur. Dagdag niya, wala pang impormasyon kung tatalakayin din ng dalawa ang mga planong pampulitika.
Inanunsyo ang naturang pagpupulong isang araw matapos pormal na ideklara ni Duterte ang kanyang planong tumakbo bilang pangulo sa 2028 national elections. RNT