MANILA, Philippines- Wala pa ring desisyon ang Malakanyang kung pagkakalooban o hindi ng ‘executive clemency’ ang convicted overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso.
Matapos kasi ang mahigit 14 taong pagkakakulong sa Indonesia, nakauwi na sa wakas si Veloso, 39, ang OFW na humaharap sa kamatayan dahil sa kasong drug trafficking.
“There has been no decision made yet whether or not she will be granted executive clemency,” ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni DOJ Undersecretary Jesse Andres na dapat bigyan ng sapat na panahon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para pag-aralan kung pagkakalooban si Veloso ng executive clemency.
Habang hinihintay aniya ang magiging desisyon ng Pangulo ay ikukulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City si Veloso para isilbi ang kanyang sentensya.
Ayon kay Andres, marapat na igalang din ng Pilipinas ang Indonesia lalo pa at ang sentensya nito na mula parusang kamatayan ay ibinaba ng Indonesia sa life imprisonment.
Gayunman, nakasaad pa rin sa nilagdaang transfer agreement sa pagitan ng dalawang bansa na may karapatan ang Pilipinas na gampanan ang mga alituntunin sa executive clemency.
Ipinahiwatig ng DOJ na napipinto ang pagkakaloob ng executive clemency kahit matagal pa ang dapat bunuin na taon ni Velasco sa bilangguan.
Siniguro naman ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na titingnan din ng Pangulo ang nakalulungkot na sitwasyon ng ibang bilanggo sakaling matuloy ang pagkakaloob mg pardon kay Veloso.
Batid aniya ng Pangulo na maraming PDL ang karapat-dapat ding mabigyan ng clemency.
Magugunita nitong Nobyembre, inanunsyo ng Pangulo na nagkasundo ang Manila at Jakarta para mailipat dito si Veloso.
Pinasalamatan din ng Pilipinas si Indonesian President Prabowo Subianto dahil sa ipinakitang goodwill. Kris Jose