MANILA, Philippines – HINDI apektado ang Malakanyang sa naging pagbaba ng trust at performance ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research para sa ikatlong quarter ng 2025.
Kumbinsido si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi maaapektuhan ng anumang numero si Pangulong Marcos, mataas man o mababa.
Hangga’t nagtatrabaho aniya ang Pangulo at ang gobyerno para sa taumbayan, hindi ito apektado ng anumang survey.
“Pero nandodoon pa rin po, iyong majority po ay nandoon pa rin po iyong kanilang trust sa ating Pangulo. Sabi nga po natin, anuman ang numero, mataas man o mababa, at hangga’t nagtatrabaho ang ating Pangulo at ang gobyerno para sa taumbayan, tuluy-tuloy pa rin po at hindi po tayo maaapektuhan ng anuman pong numero,” ang sinabi ni Castro.
Batay sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, bumaba sa 57% ang trust ratings ni Pangulong Marcos, mas mababa ng 7% kumpara sa 64% noong Hulyo 2025.
Bumaba naman ng 8 points ang performance ratings ng Pangulo. Mula 62% nitong Hulyo, bumagsak ito sa 54%.
Samantala, sumadsad sa 51% ang trust ratings ni VP Sara, mas mababa sa 54% noong ikalawang quarter ng taon.
Bahagya namang bumagsak sa 49% ang performance ratings ng Bise Presidente, kumpara sa 50% noong Hulyo 2025.
Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents sa buong bansa sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4. (Kris Jose)